Tuesday, April 3, 2012

PILIPINAS, MAHAL KITA

Sa apat na sulok ng Laguna, ako'y namulat ang mata
Ang tahanan ng pambansang bayani, na sagana sa magagandang tanawin
Mga kabundukang kay ganda, at lawang tanyag na
Samahan pa ng mga ilog, batis, at talon

Gumising ang kamalayan nang mapasabak sa lungsod
Ang Maynila, kay init, kay usok, at kay gulo
Kung saan matutunghayan at masisilayan ang kaunlaran
Dito rin unang narinig ang sigaw ng mga manggagawang maralita

Napadako sa hilaga, sa lalawigan ng Nueva Ecija
Dito ay nakilala, mga kaibigan at higit pa
Nakaranas umibig, mabigo, at matuto
Mga aral ng buhay, dito unang nalampasan

Pagdaka'y napadpad sa isla ng Mindanao
Hindi maitatatwang ito'y tila paraiso na
Sa ganda ng tanawin at mabuting loob ng mga Muslim
Doon napatunayan na sila ay tao rin

Hindi tulad ng kinalakhang takot para sa kanila,
Doon sa Mindanao nahalungkat ang katotohanan
Ang mga Muslim at mga Bisaya - sila ay pawang Pilipino
Sila'y walang pinagkaiba sa mga Tagalog at Ilokano

Sa syudad ng Marawi, nasilayan ang mga ito
Mga Muslim at Kristiyano ay payapang nabubuhay dito
Sa lalawigan ng Cotabato, Sultan Kudarat, at Lanao
Maraming nakilalang Muslim, at biglang nag-iba ang aking pananaw

Sa lungsod ng Davao, kapuna-puna ang disiplina
Bagaman maraming tao, sasakyan at gusali
Ay hindi mawawala ang mainit na pagtanggap sa panauhin
Dito ay mayroon akong komunidad. Mayroon akong pamilya

Sa Bukidnon natutunan na ang "bukid" ay bundok ang kahulugan
Sa lamig ng gabi, ay may pampainit na kape
Dito ay nanirahan, at maraming natutunan
Naranasan pa ang tanyag na "zipline" sa Dahilayan

Sa Maguindanao nasumpungan rin mga Muslim at Kristiyano
Nananalangin para sa isa't isa, upang hindi na magkagulo
Sa Cotabato naroon din isang datu na mapayapa
Inihahayag na siya'y naghahangad ng kapayapaan

Sa lungsod naman ng Cagayan de Oro, nakatagpo ng mga kaibigan
Dito'y nasilayan, mga mukha ng kahirapan
At sa kabilang banda'y mukha ng mga taong may pag-asa
Dito rin naranasan ang masayang "White Water Rafting"

Sa bandang kanluran, sa syudad ng Iligan
Naroon ang makasaysayang talon ng Maria Cristina
Naroon din ang mga bayang nasa tabing-dagat
At mga kaibigan na sa aki'y kay tamis ng pagtanggap

Sa bandang hilaga naman, sa Nueva Vizcaya
Mayroong mga Bugkalot, at hindi sila mamumugot
Malamig man sa bundok, mainit ang kanilang puso
At sa dalawang taon ay malalasap na ang masarap nilang kape

Sa Pangasinan kay sarap din ang maligo sa karagatan
At ang mga isda rito ay talagang malinamnam
Samahan pa ng mga kaibigan na dito'y naninirahan
Ang lugar na ito ay kay sarap balik-balikan

Sa may La Union naman, isang simpleng lalawigan
Ngunit mga tao rito'y mayroong mataas na pangarap
Pangarap para sa kapayapaan ng bansang Pilipinas
At sila'y nagsisipag upang ito ay makamtan

At dalawa sa makasaysayang lugar na aking natuntunan
Ang Isla ng Corregidor at Vigan sa Ilocos Sur
Mga sinaunang bayan iyong matutunghayan
Ang lawak ng imahinasyon, dito ay masusubukan

Muntik pang malimutan ang lugar ng Bataan
Dito ay may pawikan na minsang pinawalan
Ang ala-alang ito ay dala sa aking puso
Sapagkat tulad ng pawikan, ako'y naglalakbay sa karagatan

Ito ang mga lugar na aking natuntunan
Sa loob lamang iyan ng bansang Pilipinas -
mga tanawing kay ganda, mga taong kay sigla
Mga kasaysayang nakaguhit, naisalarawan ng mga labi

Maraming natutunan, at kahanga-hangang natunghayan
Ang ganda ng Pilipinas, hindi maipagpapalit saan man
Ang dugong nananalaytay sa aking mga ugat, ay dugong Pilipino sa isip, puso, at wika
Ang lupang aking sinilangan, ay lupa nating mga Pilipino

Kaya't hindi ko maunawaan kung anong ugat ng kaguluhan
Ito'y hamak na hindi dahil sa iba't ibang relihiyon
Malamang ito ay dahil sa mga ganid at sakim
Sakim sa kayamanan at mga lupain-
lupain kung saan lahat tayo (balang araw) ay ililibing

Pilipinas, Mahal Kita.

Pilipino, mahalin natin ang isa't isa.

Upang si Inang Bayan, sa wakas ay maging payapa na.


Nagmamahal,

isang Pilipino



Gumagawa para sa kapayapaan

LIHAM PARA KAY AMIELLE

Ang liham na ito ay para sa aking inaanak na si Amielle Bianca. Siya ay magtatapos ngayong taong ito sa UPLB, matapos ang limang taong pag-aaral sa kursong BSc Development Communication. Ito ang aking mensahe para sa kanya:

Dear Inaanak,


...
Congrats sa paglabas ng UPLB nang buo pa ang katawan mo.haha... Congrats sa pagtatapos sa mga hamon na iyong pinagdaanan sa loob ng unibersidad. Batid ko kung gaano kahirap ang mga pagdadaanan bago makatapak sa napakagandang damo ng Freedom Park sa araw ng pagtatapos. Malapit mo na itong maranasan! Malamang nag-iisip ka na kung anong damit at sapatos ang isusuot sa araw na iyon, na pagdaka'y papatungan rin naman ng itim na telang sumisimbolo sa iyong pagtatapos - ang toga! Sa araw na iyon, magpapaganda ka at mag-aayos ng buhok pero hindi na iyon magiging kapansin-pansin dahil papatungan mo rin ang iyong ulo ng toga. At dahil gabi ang grad, ang make-up mo, hindi na rin masyadong mahahalata. Pero hindi mo na rin yun iisipin dahil ang mahalaga, nakapagtapos ka!


Ang mahalaga, nakapagpakuha ka ng larawan habang nagmamartsang nakasuot ng toga at may hawak na lagayan ng diploma. :) Pero ito talaga ang pinaka importante: nangangahulugan iyan ng kalahating dekadang pagtitiis, "pagsisipag sa pag-aaral", at pagsusunog ng kilay. Hindi naging madali ang lahat dahil minsan kang nagpuyat para sa thesis at makailang ulit kang pinaharapan ng STAT 1 na yan! Pero ngayon, matatapos ka na. Kaya "you deserve the reward of beautifying yourself, wearing that toga, and posing for a once-in-a-lifetime shot!"


Sa bawat nagtatapos, sinasabi ng mga tao lagi na "Welcome to the real world!" Pero ito ang sasabihin ko sayo, "Next level na, kayanin mo pa!"


Ang UP ay hindi pekeng mundo na pag nakalabas ka dito ay mag-iiba ang lahat. Lahat ng karanasan, isyung politikal, pang-ekonomiya, at sosyal na kinaharap natin sa UP, iyan din ang haharapin mo sa labas nito. Lahat ng exams, hell week, at kung anu-ano pang sakit ng ulo, lahat iyan mayroon din - dito, sa labas ng UP. 


Pagkalabas sa UP, hindi tayo titigil sa pagsigaw ng "Tunay! Palaban! Makabayan!" Paglabas ng UP, lalong masusubukan ang ating pagmamahal sa bayan. 


Congrats, natapos mo ang mga hamon sa loob ng UP! Hinihintay ka na ng mundo - sa labas ng UP. Hinihintay ka na ng ating bayan. Ito ay mas malawak, mas mabagsik, at mas nakakatakot kung minsan. 


Maligayang paghakbang palabas ng UP, patungo sa mas malawak na unibersidad - ang daigdig!


Hangad ko ang tagumpay sa bawat hamon, ngiti sa bawat tagumpay, at narito ako sa bawat lumbay, o luha sa tuwing may kaaway. 


Pagpalain ka ni Bathala!


Ang iyong Ninang Gin <3




Regina Lyn G. Mondez
UPLB Development Communicators' Society
Messengers '07