Saturday, September 14, 2013

HINAING

Minsa'y di mabigkas ng bibig, ang sa dibdib ay nag-aalab na damdamin.
Minsa'y di aakalain na ang kirot ay di kayang panatilihin
Maramot ang tadhana sa maralita't dukha
Masalimuot ang pag-asa sa lubhang kaawa awa

Mainam harinawa kung puro ligaya at saya
Ngunit ang lakbayin ay masukal, mapanganib at mahiwaga.
Hindi maabot ng balintanaw ang aking patutunguhan
At minsa'y napapagod, naghahanap ng masisilungan

Isang hangarin sa kasalukuyan ay makatagpo ng manlalakbay
Na ang landas na dinaraanan ay kapwa dalisay
Isang taong sa lakbayin na iyong makakapanayam
At sa patutunguhan, kapwa malinaw ang pananaw.

Minsa'y poot ang nangingibabaw sapagkat may mga kaaway
Mga panlabas na kaanyuan ay tila tupang maamo
Ngunit ang katotohana'y mga osong kumakain ng tao
Walang ibang gagawin kundi ika'y habulin