Wednesday, August 8, 2012

HABAGAT - BAGYO SA PUSO KO

Ang sakit sa puso.

Mula pa noong isang araw ay walang patid na ang pagpatak ng ulan. Ulan na kay lakas at may kasamang hangin. Walang tigil. Ito'y hindi bagyo. Ito'y tinawag lamang na hanging "habagat".

Tatlong araw na mula nang dumating ang walang tigil na pagbuhos ng ulan - ito'y luha ng kalangitan, ayon sa iilan. Ito raw ay galit ng Diyos, sapagkat marami ang nagnanais na maisabatas ang RHBill. Isang panukalang batas na naglalayong makatulong sa mas nakararaming kababayan upang maiwasan ang patuloy na paglala ng kahirapan. Ngunit para sa iilan na makitid ang kokote, ito raw ay sa demonyo. (@%#!) Hindi gumagamit ng lohika!

May mga iilan, sarili ang iniisip. Nagdiriwang sa baha, sapagkat mawawalan ng pasok sa eskwela. Ngunit sa likod ng bakasyon na ito, juskopo ang daming tao ang nagdurusa sapagkat lumubog ang mga kagamitan, walang makain, at walang matulugan. Nakukuha pang magdiwang. tsk.

Sa aking munting paraan, pinilit kong makibahagi sa pagtulong. Pinilit na sa abot ng makakaya, ay makidamay at magbigay suporta sa mga taong nasakuna. Alam kong hindi ito sapat, at ayokong ito'y ipagkalat. Ngunit iyon lamang ang maliit na bagay na aking kinaya.

Nagdurugo ang aking puso, pagkat saksi ako kung paanong karamihan sa aking mga kababayan ang nabubuhay sa isang kahig isang tuka. Batid kong ang kanilang kabuhayan ay nakasalalay sa pang araw-araw na pagkayod. Ngunit sa mga ganitong pagkakataon na sila'y hindi makapagkayod, ano na lamang ang kanilang ipapasak sa kumakalam na sikmura?
Sa mga ganitong pagkakataon na ang kanilang mga munting barong-barong ay binaha, naputikan, at ang ilang kagamitan ay nabasa, ano na lamang ang kanilang gagawin sa araw ng bukas?

Kumukurot sa aking puso na sila'y makitang nananatiling nakangiti at tumatawa sa gitna ng bahay na sira-sira. Ako'y nahihiya kapag sila'y nag-aalok ng mauupuan, makakain, at kung anu-ano pa, gayong sila itong nawalan at na sakuna. Isang pagpapala ang ganitong karanasan, ngunit dalangin kong ang mga taong ito'y lubusan rin naman pagpalain ni Yahweh. Na ang kanilang mga pangangailangan ay matustusan. Nawa ang kanilang mga kalusugan ay maingatan, at ang kanilang kinabukasan ay matiyak na may patutunguhan.



Yahweh,

Ako'y pinagpala sa araw na ito. Isang pagpapala ang mga bagong karanasan. Ngunit, magtatapos ang araw na ito na may sakit sa aking puso. Sakit na hindi ko matukoy, sapagkat napakalalim ng pinag-uugatan. Sakit na bunga ng pagtanto na napakaraming tao ang nagdurusa, gayong may iilan ang nakikinabang sa mga kayamanan na dapat sana ay pantay-pantay naming pinaghahatian. Ama, ako'y umiiyak sa awa. Awa para sa aking mga kababayan, awa para sa aking bayan, at awa para sa mga taong lumalangoy sa salapi at pagiging ganid. 

Yahweh, ikaw ang nakababatid. Alam mo ang aming kalagayan. Magulo. Magulo ang paligid. Magulo ang mga kaisipan, magulo ang mga tao. 

Sa gitna ng mga unos na ito, Ama, aking hiling na ako'y bigyan Mo ng sapat na karunungan upang matuklasan kung ano ang iyong layunin sa mga pangyayaring nagaganap. Ama, nawa sa lahat ng ito, maunawaan namin at madama ang iyong pag-ibig at pagpapala. Nawa, bilang Iyong tagasunod ay maging daluyan ako ng pag-ibig, pagpapala, at kapayapaan, na hindi nababalutan ng anumang pangalan ng simbahan o anumang samahan. Ikaw lamang ang papupurihan!

At sa aking pagtulog, dama ko pa rin ang kirot sa aking puso, ngunit ang sakit na ito ay gamitin Mo, upang ako ay lumago.

Amen